SA tuwing sasapit ang tag-init, karaniwan na ang pagtaas sa konsumo ng kuryente. Dangan naman kasi, hindi na talaga kinakaya ang alinsangan sa loob ng ating mga tahanan kung saan ang karaniwang solusyon – mas mahabang oras sa paggamit ng bentilador o di naman kaya’y aircon.
Ang siste, naglabas ng abiso ang Department of Energy (DOE). Panawagan ng ahensya sa publiko, magtipid ng kuryente bunsod ng manipis na supply ng enerhiya.
Sa inilabas na babala ng DOE hinggil sa limitadong supply ng enerhiya, biglang lumuwa ang mata ang mga negosyanteng mapagsamantala. Para sa mga kumpanyang ganid, pagkakataon na naman para kumita ng bonggang-bongga sa bisa ng pagpapataw ng dagdag sa buwanang singil.
Sa hangaring magmukhang kapani-paniwala, may lumikha pa ng eksena – rotational brownout na patunay anila ng kapos na supply ng kuryente.
Sa ganang akin, hindi na bago ang kwentong karaniwang gamit sa tuwing kursunadang pahirapan ang masa.
Ayon sa DOE, makakaranas ang Luzon grid ng 12 yellow alerts sa pagitan ng Marso at Nobyembre ngayong taon bunsod ng kakulangan sa power reserves.
Bukod pa sa mga posibleng brownout, dapat rin umanong paghahandaan ng mga konsyumer ang posibleng pagtaas ng singil sa konsumo ng kuryente, na ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla ay normal lang sa tuwing sumisipa ang demand.
Paliwanag ng Kalihim, isa pang dahilan sa napipintong pagtaas sa buwanang singil ng kuryente ang mataas na presyo ng uling (coal) at krudong gamit ng mga planta sa paglikha ng enerhiya.
Sa isang banda, tama si Lotilla sa doktrina ng law of supply and demand. Ang masaklap, mandato niya bilang punong abala ng DOE ang gumawa ng mga angkop na hakbang para tiyakin ang sapat at abot-kayang supply ng kuryenteng hindi nakasandig sa mapaminsalang paraan sa paglikha ng enerhiya.
Hindi bagito si Lotilla sa usapin ng kuryente. Dati na siyang Kalihim ng DOE bukod pa sa mahabang panahon niyang inilagi sa mga kumpanyang may kinalaman sa enerhiya.
Batid rin niya ang nakaambang krisis.
Hindi ako eksperto pero bilang isang mapanuring konsyumer, kailangan maging bukas ang pamahalaan sa mga mungkahi.
Kabilang sa mga isinusulong ng iba’t ibang grupo ang paggamit ng makabagong teknolohiyang kalakip ng “modular nuclear reactor” na may kakayahang magpailaw sa isang buong isla.
Nariyan din ang pagtataguyod ng mas maraming power plants na tugon sa lumalaking pangangailangan ng populasyon.
Pwede rin ang renewable energy na tanging pribadong sektor lang yata ang interesado.
Let’s be candid about this one. The government wasn’t able to build additional power generating facilities for the last 20 years. During these years, the population rapidly increased, which means more people are using the same buffer supply we had back in 2002.
Para tiyakin hindi kontrolado ng mga piling oligarko ang industriya ng enerhiya, pinakamainam siguro palakasin ang mga electricity cooperatives sa mga kanayunan.
Kay Secretary Lotilla, huwag puro abiso. Gawa hindi dada.