SINIBAK sa pwesto ang buong pulutong ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nakabase sa bayan ng Pozorrubio, lalawigan ng Pangasinan kaugnay ng nakaganap na sunog kung saan isang buong mag-anak ang nasawi – kabilang ang tatlong batang edad anim na taong gulang pababa.
Kinilala ang sinibak na fire marshal na si Senior Fire Officer 4 Randy Fabro. Bukod kay Fabro, laglag din ng pitong iba pang bumbero sa ilalim ng pangangasiwa ng sinibak na hepe.
Abril 3 ng hatinggabi nang tupukin ng apoy ang tahanan ng mag-asawang Mark at Dexie Ann Villanueva sa Barangay Poblacion ng naturang bayan. Bukod sa mag-asawa, patay rin sa insidente ang mga anak na sina Keziah, isang taong gulang, Mackarie, 2; at Mackenzie, 6-anyos.
Sa imbestigasyon ng BFP regional office, naantala ang pagresponde ng mga bumberong di umano’y nag-inuman nang maganap ang insidenteng hindi kalayuan sa istasyon ng Pozorrubio BFP.
Itinalagang officer-in-charge ng Pozorrubio BFP si Senior Fire Officer 3 Amante Clemente Battalao.
Sa bukod na kalatas, nagpahayag ng pagkadismaya si Pangasinan Gov. Ramon Guico III, kasabay ng pahiwatig na pananagutin ang mga bumberong nagpabaya sa kanilang trabaho.
“Nauna pang rumesponde ang mga bumbero mula sa mga karatig bayan,” dismayadong pahayag ni Guico.
“Naghahanap ng hustisya ang mga kapamilya ng mga biktima ng sunog,”dagdag pa ng gobernador.