SA hangarin paluwagin ang mala-sarinas na piitan, doble-kayod ang mga kawani ng Department of Justice (DOJ) sa pagbalangkas ng reglamentong magbibigay-daan para sa mas mabilis na pagpapalaya ng mga bilanggong edad 80 pataas at maging yaong pasok sa kategorya ng may kapansanan.
Pagtitiyak ni Justice Crispin Remulla, garantisado ang walang anumang legal na balakid ang binabalangkas na reglamento para sa mabilis na paglaya ng mga matanda, may kapansanan at maging yaong mga may matinding karamdaman na bumuno na ng limang taon sa ipinataw na hatol ng husgado.
Bahagi rin aniya ng panuntunan ang mekanismong nakatuon sa mga aktibidades ng mga pinalayang preso.
Para sa Kalihim, hindi sapat ang kalayaan para matiyak ang pagbabagumbuhay ng mga tinawag niyang ‘bakasyunista,’ kasabay ng mungkahing magkaroon ng skills training sa hanay ng mga bilanggo para makapagtrabaho.