MAHIGIT sa 100 mag-aaral mula sa Gulod National High School sa lungsod ng Cabuyao lalawigan ng Laguna ang isinugod sa pagamutan matapos himatayin sa gutom at matinding init sa isinagawang fire drill.
“Ang lahat-lahat 104…Dinala po lahat sa hospital,” pahayag ni Bobby Abinal ngng Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO).
Sa pagsusuri ng mga doktor, gutom at dehydration ang sanhi ng pagkahimatay ng mga mag-aaral na nakibahagi sa fire drill na isinagawa ng pamunuan ng eskwelahan alinsunod sa Department of Education Order 53 s. 2022 (Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools)
Gayunpaman, inamin ni Abinal na walang abiso sa Cabuyao City government at maging sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang naturang aktibidad.
Sa imbestigasyon, lumalabas tinipon ng pamunuan ng paaralan ang nasa 3,000 estudyante para sa fire drill na itinaon pa sa gitna ng katanghalian. Natapos ang fire drill dakong alas 3:00 ng hapon.
Ani Abinal, naglaro sa pagitan ng 39-42 degree Celsius ang heat index sa mga naturang oras.
Wala rin aniyang nakaantabay na safety officers sa loob ng paaralan nang isagawa ang fire drill.