
SA gitna ng walang habas na paggasta ng mga kandidato bago pa man sumipa ang takdang panahon ng pangangampanya, naglabas ng babala ang Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, todo-higpit na ang komisyon sa gastos nagnanais makasungkit ng elective position sa pamahalaan sa bisa ng halalan sa Mayo 12, 2025.
Bilang pambungad, ibinahagi ni Garcia ang aniya’y napipintong paglabas ng panuntunan para tiyakin deklarado lahat ng ginastos ng mga kandidato sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na sinusumite pagkatapos ng halalan — manalo man o matalo.
Kabilang sa babantayan ng Comelec ang talent fee ng mga artista at influencers na karaniwang ginagamit ng mga kandidato sa pangangampanya.
Ani Garcia, hindi na rin uubra ang “donasyon” na madalas aniyang palusot ng mga kandidato.
Nakatakdang isapubliko ang Comelec resolution bago magsimula ang opisyal na campaign period sa Pebrero 11.