
SA bisa ng isang resolusyon ng lokal na konseho, pormal na hiling ng lokal na pamahalaan ng Angono kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang Art Capital of the Philippines ang baybaying bayan na higit na kilala bilang kanlungan ng sining.
Sa pinagtibay na Resolution 152 (series of 2024), ibinida ng Sangguniang Bayan ang mahabang talaan ng mga premyadong alagad ng sining — bukod pa sa dalawang nationals artists na sina Carlos “Botong” Francisco (Visual Arts) at Maestro Lucio San Pedro (Musika).
Sa Angono rin anila natagpuan sinaunang anyo ng sining — ang Petroglyphs na ayon sa mga dalubhasa ay iginuhit taong 3000 BC.
Pagmamalaki ni Tracy Vicente na tumatayong punong abala ng Municipal Tourism Office, higit pang yumabong ang sining sa bayan ng Angono na tanyag sa taunang “Higantes Festival” na nakagawian mula pa 1950.
Base sa datos ng Municipal Tourism Office, nasa mahigit sa 2,000 alagad ng sining ang aktibong nagsusulong ng nagsusulong ng pagpipinta, paglilok, arkitektura, musika, pag-indak, teatro, literatura, potograpiya at maging sa pelikula.

Sa naturang bilang, mahigit sa 20 ang nagtamo ng natatanging pagkilala sa nakalipas na 10 taon kabilang ang tanyag na si Nemesio Miranda (Nemiranda), national artist nominee Jose “Pitok” Blanco, Salvador Juban, Ligaya Tiamson Rubin, at ang yumaong Richard Gappi.

Pasok din sa talaan ng mga nagbigay parangal sa Angono sina Angelito Balagtas, Jose Glenn Blanco, Michael Blanco, Herbert “Ebok” Pinpino, Bernardo Balagtas, Wire Tuazon, Isidro “Manong Jun” Santos, Siegfried Gularan, Sabina Joy Vocalan, Lemuel Blanco, Kaz Motonda, Saturnino Tiamson Jr., Jose Romel Jopat Gragera, Editha Castillo Fuentes, Nerissa Rabano Picadizo, at Bob Nicolas.

Sa isang kalatas, itinampok rin ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang kauna-unahang Regional Lead School for the Arts na itinaguyod taong 2004.
Sa bayan ng Angono lang din aniya matatagpuan ang sandamakmak na “art galleries, studio and cultural spaces.”
“We earnestly believe that bestowing the title of Angono being the Art Capital of the Philippines will further showcase our town’s unique contribution to Philippine art scene and solidify its position for creativity, innovation and artistic excellence in recognition of our rich artistic legacy, vibrant art scene and commitment in preserving and promoting cultural heritage,” wika ng punongbayan.