Ni Lily Reyes
INIHAYAG ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Bustinera na handa na ang kanilang persons deprived of liberty (PDLs) para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
“Handang-handa na po ang BJMP para bumoto ang ating mga kapatid na pansamantalang nakakulong at nasa kustodiya namin,” ayon kay Bustinera sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing.
Bilang paghahanda sa BSKE sa Lunes, Oktubre 30, sinabi ni Bustinera na nagsasagawa na sila ng dry run. Maliban dito, lumagda aniya sila sa isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Commission on Elections (Comelec) at ang Public Attorney’s Office (PAO).
“Sa katunayan po nagkaroon po tayo ng tripartite MOA signing agreement para i-assist kami ng PAO. At the same time para mag request sila ng court order para makalabas ang ating mga PDL,” ani Bustinera. Nakipag-coordinate na rin aniya sila sa Philippine National Police at Comelec para sa security arrangements.
“Kasi iba-byahe po natin ang balota at ayaw din po nating ma-taint ang integridad ng ating proseso ng halalan. Kailangan ma-secure ang balota ng ating Comelec officers galing presinto papunta sa jail at from the jail, pag nakaboto na, pabalik naman,” paliwanag niya.
Ayon kay Bustinera, mahigit 30,000 PDLs ang inaasahang bumoto kung saan 29,000 dito ang boboto mula sa kanilang kulungan habang 1,900 naman ang i-escort sa mga community precinct. Aniya, ang mga papayagang bumoto sa mga community precinct ay ang mga may nakabinbing kaso.
“Sa atin pong mga kababayan na sa darating pong halalan, ‘wag po kayo mag tataka kung meron pong boboto na mga may escort na PDL. Ito po ay kanilang karapatan at pinayagan po silang bumoto,” dagdag pa ng tagapasalita ng BJMP.