NAIS higpitan ni Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang mga Pilipino ang pagbabantay kasunod ng ulat ng Department of Health (DOH) na 190,000 documented influenza-like illness (ILI) cases sa bansa.
Nababahala si Go sa tumitinding pag-aalala sa kalusugan ng publiko lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
“Kailangan ng bawat isa sa atin na maging mas mapagbantay at responsable sa ating pang-araw-araw na gawain,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na ang kalusugan ang regalo na dapat nating pahalagahan ngayong Kapaskuhan dahil ang katumbas nito ay buhay ng bawat Pilipino.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng sama-samang pagsisikap sa pagsugpo sa pagkalat ng mga banta sa kalusugan kabilang ang trangkaso, Covid-19 at iba pang respiratory illnesses.
Sa pagdinig ng Senado noong Disyembre 18, sa napaulat na pagtaas ng respiratory illnesses, umapela si Go, kasama ang DOH, para sa patuloy na paggamit ng masks.
Binigyang-diin din niya ang mahahalagang aral na natutunan mula sa pandemya ng Covid-19.
Ayon sa pinakahuling Disease Surveillance Report mula sa DOH, mayroong 193,148 kaso ng ILI mula Enero 1 hanggang Nobyembre 25, isang kapansin-pansing 50% pagtaas mula sa 128,386 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang datos mula sa DOH ay nagpapakita na ang mga rehiyong pinakanaapektuhan ng pagtaas na ito ay ang Davao na may 27,411 kaso; Northern Mindanao na may 24,357 kaso; at Central Visayas na may 23,470 kaso. Bukod pa rito, ang mga rehiyon tulad ng Zamboanga Peninsula, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region ay nakaranas ng pinakamalaking pagtaas ng mga kaso kumpara noong nakaraang taon.
Sa kabila ng pagtaas ng mga kaso, iniulat ng DOH ang pagbaba sa mga pagkamatay na may kaugnayan sa ILI. Bumaba sa 0.14 ang fatality rate ngayong taon, kumpara sa 0.38 porsiyento noong 2022.
Ayon kay Go, kailangang paigtingin ang ating mga kampanya sa pagbabakuna, lalo sa high-risk areas.
Nanawagan din ang senador sa local government units (LGUs) na higpitan ang kani-kanilang pagsubaybay at tiyaking maayos ang pagpapatupad ng health protocols.
“Ang Kapaskuhan ay panahon ng kagalakan at pagsasama-sama, ngunit huwag nating kalimutan ang hindi nakikitang banta na ating kinakaharap. Hinihimok ko ang lahat na magdiwang nang responsable at sumunod sa mga alituntunin sa kalusugan upang mapanatiling ligtas ang ating mga pamilya at komunidad,” ayon sa mambabatas.