
NI LOUIE LEGARDA
HINDI angkop ang magarbong Christmas party sa gitna ng pagdadalamhati ng daan-daang libong pamilya sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay dahil sa delubyong idinulot ng mga nagdaang super bagyo.
Sa isang pahayag ng Palasyo, isang panawagan ang inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — iwasan muna ang pagdaraos ng bonggang Christmas party sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.
Sa halip na magsaya, dapat aniyang makiisa ang mga opisyales at kawani ng pamahalaan sa dusang kinasadlakan ng mga biktima ng bagyong dahilan sa pagkamatay ng mga mamamayan at pagkasira ng ari-arian, pagbagsak ng kabuhayan sa mga lalawigang binayo ng kalamidad kamakailan.
Sa inilabas na pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ito ay bilang pakikiisa sa milyon-milyong mamamayan na patuloy na nagdadalamhati sa kanilang mga mahal sa buhay na nawala, mga nawasak na ari-arian at nawalan ng kabuhayan sa pananalasa ng anim na bagyo sa loob ng halos isang buwan.
“Alinsunod sa panawagan ng ating Pangulo, hinihikayat namin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na iwasan ang mga marangyang pagdiriwang ngayong Pasko,” saad sa kalatas na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Hinikayat din ni Bersamin ang mga tanggapan ng gobyerno na i-donate na lamang ang kanilang natipid sa selebrasyon sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo.