
NI LILY REYES
NAPILITAN suspindihin ng pamunuan ng isang pampublikong paaralan ang klase bunsod ng isang tawag hinggil sa di umano’y 15 bombang nakatanim sa loob ng bakuran ng eskwelahan sa Quezon City.
Sa ulat ni Lt. Col. Ramil Avenido na tumatayong ground commander ng Quezon City Police District (QCPD), nabalot ng tensyon ang Batasan National High School sa Barangay Batasan Hills kung saan di umano “nakatanim” ang mga bombang sasabog sa hudyat ng alas 2:00 ng hapon.
Sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral, agad na sinuspinde ng pamunuan ng nasabing paaralan ang face-to-face classes dakong alas 11:00 ng umaga para na rin bigyang-daan ang operasyon ng mga rumespondeng miyembro ng QCPD bomb squad.
Gayunpaman, walang natagpuang bomba ang QCPD bomb squad na gumalugad sa buong eskwelahan kasama ang K9 sniffing dogs.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng QCPD sa hangaring tukuyin at tuntunin ang nasa likod ng bomb scare.