KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating sa bansa ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong umaga ng Enero 18.
Dumating si Bonoan sakay ng China Airlines flight CI0701 mula Taipei.
Kasama ang pangalan ng Kalihim sa mga personalidad na inisyuhan ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) alinsunod sa direktiba ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng kagawaran.
Ayon sa rekord, umalis si Bonoan ng bansa noong Nobyembre ng nakaraang taon upang samahan sa Estados Unidos ang asawa para sumailalim sa isang medical procedure.
Ayon sa BI, mag-isa lang bumalik sa bansa si Bonoan.
Paglilinaw ng BI, ang ILBO ay para agad maipaalam sa mga awtoridad ang pagdating o pag-alis ng mga taong saklaw ng imbestigasyon. (JULIET PACOT)
