PLANO ng ilang retiradong heneral na patalsikin sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Armed Forces Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., kasabay ng panawagan sa mga kapwa sundalo sa katimugang bahagi ng bansa na huwag tangkilikin ang mga aniya’y imbitasyon para pabagsakin ang gobyerno.
Sa pagbubunyag ni Brawner, tumanggi naman ang AFP chief na isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga aniya’y nasa likod ng planong destabilisasyon kontra administrasyong Marcos.
Para kay Brawner, hindi dapat pinagtutuunan ng pansin ang naturang grupo, at sa halip ay isulong na lamang ang reporma sa loob ng hukbong sandatahan.
“We are in a democracy, but please do not involve the active personnel of the AFP,” dagdag pa ni Brawner.
Isa pa umanong ibinunyag ni Brawner ay ang “infiltration” na nagaganap sa bansa, partikular sa Zamboanga City at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Gayunman, tumanggi si Brawner na magbigay ng iba pang detalye.
“Ang sinasabi natin ay dapat bantayan natin, meaning yung mga government and education institutions, business sector, communication, dahil if you are infiltrated, they could monitor our activities, and they could counter our plans,” dagdag pa ni Brawner.