
WALANG kinalaman ang politika sa naging kapalaran ni former President Rodrigo Duterte, ayon kay Tingog partylist Rep. Jude Acidre.
Para kay Acidre, isang hakbang patungo sa pananagutan para sa libu-libong Pilipinong napatay sa giyera kontra droga ang nangyaring pagdakip ng International Criminal Court (ICC) sa dating pangulo.
“Gusto kong maintindihan ng ating mga kababayan, itong pangyayaring ito, hindi natin ginigipit si dating Pangulong Duterte. Sinisingil lang siya ng taong bayan,” wika ni Acidre.
Sa ipinatupad giyera kontra droga ni Duterte, maging mga bata aniya’y nadamay at naging biktima ng mga malawakang pagpatay – ngunit halos walang naging hakbang ang nakalipas na administrasyon para makamit ang hustisya para sa mga pinaslang.
“Dahil ito sa kanila, alam niyo nung nasa children’s rights movement ako, sa mga child rights network, meron din documentation – more than 100 na mga bata ang pinatay kasama ng EJK. Ang tawag sa kanila collateral damage,” ani Acidre.
Inalala rin ng partylist solon ang sinabi ng isang dating hepe ng pulisya nang harapin ito tungkol sa lumolobong bilang ng mga napaslang, na nagpapakita ng laganap na culture of impunity sa ilalim administrasyong Duterte.
“Nung yung isang dating PNP chief tinanong tungkol dito, isa lang ang sagot niya, ‘Shit happens.’ Ganoon klaseng bansa ba tayo?,” bulalas ng kongresista.
Hindi rin aniya naimbestigahan nang maayos ang mga pagpatay, at ang warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte ay isang malaking hakbang upang papanagutin ang may sala at makamit ng mga biktima ang hustisya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)