ANG kabataan ang pag-asa ng bayan, pero anong klase ng kinabukasan ang naghihintay sa kanila kung walang makukuhang suporta sa mga magulang?
Sa isang pahayag, nanindigan si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na napapanahon ang pagpapatibay ng House Bill 8987 matapos aprubahan ng House Committee on Welfare of Children ang inakdang panukala.
Sa ilalim ng HB 8987 (Child Support Bill), obligadong magbigay ng buwanang sustento ang mga magulang ng mga batang inabandona ng magulang.
“Kailangang kailangan na natin itong batas na ito. Kailangang maparusahan ang mga tatay na ayaw bigyan ng suporta ang kanilang mga anak, lalo na kapag iniwan na niya ang kanyang pamilya,” wika ni Tulfo.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan sa Kongreso sa pag-usad nitong panukalang batas, pero sana ay mas madaliin pa ito para tuluyan nang mapanagot ang mga walang pusong ama na tinalikuran ang kanilang mga sariling anak,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng HB 8987, target ng kongresista patawan ng mas mabigat na parusa – anim na taon sa bilangguan — ang mga tinawag niyang “deadbeat father” na ayaw magbigay ng sustento sa mga inabandonang supling.
Batay sa napagkasunduan sa pagdinig ng komite, ang ibibigay na suporta ng tatay sa tinalikurang anak ay depende sa pangangailangan ng bata. Aatasan ng batas na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipagtulungan ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang siyang magtatakda kung magkano ang ibibigay na suporta ng “deadbeat father” sa kanilang anak.
“This bill will help our sole parents, numbering around 15 million of our population; it will be their tool to be able to support their children. Hindi na po kailangan lumuhod at magmakaawa ng mga ina sa mga ex nila at ama ng mga bata para sa sustento.”
“Enough is enough, I would say. This has to end right now, kaya kailangan pong ipasa ang batas na ito. What is really unfortunate is that some of these irresponsible fathers are holding government positions while most are working in the private sector,” anang ranking House official.
Bukod kay Tulfo, kabilang rin sa mga pangunahing nagsulong ng panukala sina ACT-CIS partylist Reps. Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap; Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.
Pasok din sa talaan ng may-akda sina Reps. Paul Ruiz Daza, Patrick Michael Vargas, Paolo Z. Duterte, Gus Tambunting, Ma. Victoria Co-Pilar, Jude Acidre, Jurdin Jesus Romualdo, Baio Dimple Mastura, Ma. Rene Ann Lourdes Matibag, Noel Rivera, Wilbert Lee, at Angelica Natasha Co. (Romeo Allan Butuyan II)
