MAY sapat na dahilan ang mga PIlipino para maalarma, ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kaugnay ng agam–agam sa National Grid Corporation of the Philippines na sinasabing kontrolado ng mga Tsino.
“Totoo ba na kapag halimbawa nakaalitan natin ang ating kapitbahay na China, eh isang pindot lang ba nila mawawala na ang power sa atin?,” wika ni Barbers sa aniya’y posibleng epekto ng umano’y paglabag ng NGCP sa Anti-Dummy Law.
Ayon kay Barbers, may implikasyon sa paghawak ng mga Chinese nationals sa matataas na posisyon sa NGCP na gumagawa ng mga desisyon, lalo na at mahalaga ang kuryente sa pagpapanatili ng seguridad ng bansa.
Tugon ni Atty. Lally Mallari na tumayatong assistant chief legal counsel ng NGCP kay Barbers, “physically secured ang control center ng nabanggit na government-owned public utility corporation.
“Mr. Chair, nandon ako sa likod ng kausap mo si aming Mr. Clark Agustin. ‘Yung scenario na kasi nabigay sa kanya is si terorista nasa kwarto na. But … bago siguro nakarating si terorista doon, kasi po ‘yung control center namin are physically secured,” ani Mallari sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises..
“And in so far as yung mga tao na mag-on at mag-off ng mga equipment, there are switching procedures which includes validation between control and substation. So sa hypothetical scenario, it appears hypothetically, it can be done. Pero sa tunay na buhay, Mr. Chair, may kalabuan,” aniya pa.
Sa kabila ng paliwanag, nanindigan ang lider kongresista lalo pa aniya’t sensitibo umano ang gayung sitwasyon para sa bansa, maging sa tinawag niyang NGCP working group na pinamumunuan din ng mga Chinese nationals na sina Yuan Minjun at Chen Changwei.
“Kanina ho kasi na-raise na po ito ni Congressman Suarez. And when he raised this issue of Chinese nationals being involved in the decision-making of the NGCP, did not just raise eyebrows, so to speak, but also, ito ay isang national security vulnerability sa tingin ko,” punto ni Barbers.
“Hindi po ako familiar sa working group na iyon,” tugon ni Mallari at igiit pa na ang mga desisyon ay ginagawa ng departamento sa loob ng NGCP.
Hiniling ni Barbers sa mga kinatawan ng NGCP na magsumite ng mga dokumento bilang ebidensya ng kanilang mga pahayag at nanindigan na dapat pagtuunan ng pansin ng NGCP ang malinaw na pamamahala at operational transparency.“You wouldn’t sleep with the enemy. Bakit natin ibinibigay ang kontrol ng ating power grid sa isang dayuhang kumpanya na malinaw na may kaugnayan sa gobyerno ng China?” (Romeo Allan Butuyan II)
