KINUWESTIYON ni Senador Risa Hontiveros sa Senado kung bakit naibigay sa Chinese firm ang kontrata sa reclamation projects gayung sangkot ito sa pagtatayo ng artificial islands sa West Philippine Sea.
Noong nakaraang buwan, nangamba ang US Embassy sa reclamation projects sa Manila Bay dahil ang naturang kompanya ay blacklisted na umano sa Amerika dahil sangkot ito sa pagtulong sa Chinese military na magtayo ng artipisyal na isla sa South China Sea.
Sa Senate hearing ng Philippine Reclamation Authority (PRA), sinabi na nakakuha ng clearance at kontrata ang Chinese company mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
“Even before we allowed the operations of these contractors from China, we required these contractors to secure a special permit under the rules of the MARINA. They submitted a clearance from the Coast Guard, from the MARINA, and also, during that time, an endorsement from the National Security Council,” sabi ni PRA Assistant General Manager Joseph Literal.
Sa kanyang panig, sinabi ni NSC Undersecretary Jonathan Malaya na ang nakaraang liderato ng ahensiya ang nagbigay ng go signal sa Chinese company tulad ng pagbigay ng special permit.
“It was [National Security Advisor Eduardo] Año’s predecessors who gave the special permit. NSA Año only assumed office last February of this year. Hence, we cannot answer the question,” ayon pa rito.
Sinabi ng PRA na ang proyekto ay inaprubahan bago pa lumutang ang pagkakasangkot ng Chinese firm sa isyu. “During that time, actually, hindi naging issue unlike nitong, when they were already undertaking na nagkaroon ng issue, na-raise na po ito ng US Embassy and ‘yung sa World Bank,” sabi ni Literal.