SA gitna ng puspusang manhunt operation na ikinasa ng pamahalaan laban sa mga personalidad na sangkot sa flood control scandal, dalawang corporate officers ng Sunwest Inc., na pag-aari ni former Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ang nagpahayag ng kahandaan sumuko.
Gayunpaman, hindi pinangalanan ni Police Major Gen. Alexander Robert Morico na tumatayong hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang indibidwal na kapwa may warrant of arrest.
Pagtitiyak ni Morico, patuloy ang pagtugis ng kapulisan sa iba pang sinampahan ng kasong kriminal sa Sandiganbayan.
Para sa mga indibidwal na nasa ibang bansa, kumbinsido naman ang Philippine National Police (PNP) na hindi makakaiwas sa batas ang iba pang sangkot sa flood control scandal — kabilang si Co, at dalawang iba pang corporate officers ng Sunwest Inc. na una nang napabalitang nagtatago sa ibang bansa.
Kabilang rin sa target ng pulisya ang isa pang Department of Public Works and Highways (DPWH) official na sinasabing nasa bansang Israel.
Pagtitiyak ni Morico, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga police attache ng Pilipinas sa bansang pinagtataguan ng mga inisyuhan ng warrant of arrest ng korte. (EDWIN MORENO)
