
HINDI pa man humuhupa ang mga kontrobersyang ipinukol sa kagawaran, muling niyanig ng panibagong problema ang Department of Education (DepEd) matapos isiwalat ng Commission on Audit (COA) ang nasa P10.183 bilyong cash advance ng departamento.
“The existence of substantial accumulated unliquidated cash advances is attributable to the lapses in the controls placed by management in the granting, liquidation and monitoring of CAs in disregard of the existing rules and regulations and pertinent DepEd guidelines relative thereto,” saad sa isang bahagi ng 2022 annual audit report ng COA sa DepEd.
Sa record ng COA, nasa 4.7 bilyon ang di umano’y unliquidated cash advance para sa sahod ng mga empleyado, P2.084 bilyon sa kategorya ng operating expenses, P1.144 bilyon binitawan sa mga special disbursing officers, at 2.27 bilyong cash advance na ayon sa state auditor ay walang “specific account details.”
Pinakamalaki ang unliquidated cash advance ng DepEd Eastern Visayas Regional Office na hinahanapan ng paliwanag kung paano ginastos at saan napunta ang P1.169 bilyon.
Nasa pangalawang pwesto sa talaan ng COA ang DepEd Calabarzon na nagtala ng P1.133 bilyong halaga ng unliquidated cash advance, DepEd Western Visayas na hiningan ng paliwanag kaugnay ng paggamit ng P980.527 milyon, DepEd Central Visayas na nagtala ng P962.655 milyong unliquidated cash advance, at DepEd Soccsksargen kaugnay ng paggastos ng P913.297 milyon.
Pasok din sa talaan ang DepEd regional office sa Zamboanga Peninsula (P833.772 milyon), DepEd Bicol region (P790.103 milyon), DepEd Central Luzon (P731.27 milyon) DepEd NCR (P696.267 milyon), DepEd Cagayan Valley (P548.851 milyon) at DepEd Caraga (P483.94 milyon).
Hagip din sa COA report ang mga regional offices ng DepEd sa Ilocos region, Davao region, Mimaropa, Cagayan de Oro, at Northern Mindanao.
Pinuna rin ng COA ang anila’y pagbibitaw ng cash advance sa mga tanggapan sa kagawaran kahit hindi pa nakapag paliwanag kung paano ginastos ang mga naunang pondong pinakawalan.
Tiniyak naman ng DepEd na kanilang kakalampagin ang mga regional office para agad na makapag paliwanag sa resulta ng pagsusuri ng COA.