KUNG gusto, may paraan. Ito ang hayagang posisyon ng isang kongresista kaugnay ng agam-agam sa pangakong ibaba ang presyo ng bigas sa antas na P20 kada kilo.
Mungkahi ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee – buhusan ng sapat na pondo ng gobyerno ang mga angkop na proyekto at programang naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura.
Para kay Rep. Lee, hindi limitado sa food security ang usapin ng supply, kasabay ng panawagan ituring na isang national security ang nakaambang kakulangan ng pagkain sa mesa ng bawat pamilya.
Aniya, dapat din kilalanin ang hanay ng magsasaka bilang “food security soldiers” na responsable sa pagpapakain ng milyong-milyong pamilya Pilipino at sa pagsugpo ng kagutuman sa bansa.
“Kapag po national security issue, automatic, it is an expense item. Ibig pong sabihin, dapat gastusan ng gobyerno; dapat pinaglalaanan ng pondo taon-taon. Kung wala po tayong plano at hindi natin sisimulan ito, talagang walang mangyayari. We need to start acting now,” giit pa ng AGRI partylist lawmaker.
Ayon kay Lee, ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa P20 kada kilo ay posibleng mangyari kung handa ang pamahalaan ay mamumuhunan ng husto sa “food security soldiers” sa bisa ng programang magbibigay-daan para pataasin ang local rice production at protektahan ang mga mamamayan sa paggalaw ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Kaya naman hinimok ng Bicolano solon ang liderato ng Kamara ng bigyang prayoridad ang inihain niyang House Bill 9020 (Cheaper Rice Act), na nagsusulong sa paglikha ng Rice Incentivization, Self-Sufficiency, and Enterprise (RISE) Program.
“Sa panukalang ito, maglalaan po ang pamahalaan ng pondo para pambili ng palay mula sa ating mga magsasaka sa mas mataas ang presyo at siguradong may kita sila. Ang bibilhin natin sa kanila, ibebenta naman nang mas mura sa mga consumers,” paliwanag ni Lee hinggil sa naturan niyang proposed measure.
“Kapag nasiguro ang kita ng mga magsasaka, wala pong makakaisip na ibenta ang kanilang lupa. At dahil may kita na, mas lalong magsusumikap ang ating mga magsasaka na itaas ang produksyon at ma-e-engganyo din natin ang kabataan na pasukin ang pagsasaka. Sa pagtaas ng kanilang produksyon, mapapababa ang presyo sa merkado. Makakatulong ito sa pagkamit sa food security kung saan hindi na natin kailangan umasa sa importasyon. Darating po ang araw, tayo na ang mag-e-export ng bigas,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng RISE Program Act, inaatasan ang Department of Agriculture (DA), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kinauukulan ahensya ng gobyerno, na bumuo ng pricing structure o pagtatakda sa presyo ng palay kung saan tiyak na may sapat na kita ang mga magsasaka at ang bigas ay maibebenta sa murang halaga.
Nakasaad din sa HB 9020 ang pagkakaroon ng regular monitoring system para makatugon sa pabago-bagong presyo ng palay at bigas, gayundin ang sistema ng payouts sa mga magsasaka na nakabase sa galaw ng presyo sa merkado.
“Sa RISE program, panalo ang magsasaka, panalo ang consumers, panalo ang bansa, kaya Winner Tayo Lahat,” pagtatapos ni Lee.