HALOS doble ng bakanteng pwesto ang bilang ng mga kandidatong naggigitgitan para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), base sa pinakahuling datos ng Commission on Elections (Comelec).
Sa kalatas ng Comelec, nasa 1,181,404 ang kabuuang bilang ng mga naghain ng kandidatura base sa datos na nakalap kahapon ng umaga.
Sa naturang bilang ng mga kandidatong magkatunggali para sa 672 posisyon sa mahigit 42 barangay sa buong bansa, nasa 776,781 (katumbas ng 65.75%) ang lalaki habang 404,623 (34.25%) naman ang babae.
Para sa posisyon ng kapitan, 85,796 na ang naghain ng kandidatura. Nasa 638,209 naman ang maglalaban-laban para mapabilang bilang barangay kagawad.
Sa SK, nasa 75,434 ang tatakbo bilang chairperson at 381,965 naman ang nais maging kagawad ng kabataan.
Gayunpaman, nilinaw ni Comelec Chairperson George Garcia na mas lolobo pa ang naturang bilang. Sa kanyang pagtataya, posibleng higit pa sa dalawang milyong kandidato ang lalahok sa BSKE na itinakda sa Oktubre 30.