NANANATILING bansa sa integridad ng nalalapit na halalan ang mga private armies ng mga politiko sa mga lalawigan, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia.
Panawagan ni Garcia, lansagin sa lalong madaling panahon ang mga armadong grupong pinopondohan di umano ng mga political kingpins sa malalayong lalawigan.
“Alam niyo yung private armies talagang dapat mabuwag yan. Hindi lamang sa iilang lugar kundi sa buong Pilipinas na,” wika ni Garcia sa isang panayam sa radyo.
Bago pa man naglabas ng saloobin si Garcia, una nang inatasan ni Secretary Jonvic Remulla ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na disarmahan ang mga armadong grupo sa kani-kanilang nasasakupan para maiwasan ang patayan sa nalalapit na halalan.
“Kaya tama po ang ating bagong kalihim, Secretary [Jonvic] Remulla, na dapat mabuwag ang private armies sapagkat nagagamit po ‘yan ng mga pulitiko, ilang kandidato upang makapaghasik ng lagim o kaya naman ay takutin ang mga mamamayan,” dugtong ni Garcia.
Para sa Comelec chief, higit na angkop tiyakin malinis, maayos at mapayapa ang 2025 midterm election na itinakda sa buwan ng Mayo ng susunod na taon.
“Paano magre-reflect ng tunay na sentimyento kung ang mamamayan ay bumuboto dahil natatakot dahil sila ay pinuwersa? Hindi dapat ganon. Ang pagboto ay kusa sa kalooban at kaisipan ng ating mga kababayan,” aniya pa.
Batay sa panuntunan ng Comelec, nakatakdang sumipa ang panahon ng kampanya sa Pebrero 11 hanggang Marso 10 (para sa mga kandidato bilang senador) habang Marso 28 hanggang Mayo 10 naman para sa mga aspirate bilang kinatawan sa Kamara, at mga lokal na posisyon sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad.
Nakatakda ang 2025 midterm election sa Mayo 12, 2024.
