
HINDI pahihintulutan ang kulturang epal sa taunang paggunita ng mga namayapa, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasabay ng panawagan sa mga kandidato sa 2025 midterm elections na iwasan mangampanya sa mga sementeryo sa Metro Manila.
Para kay MMDA chairman Don Artes, higit na angkop ibigay ng mga politiko ang kanilang panahon sa mga kaanak na namayapa.
“Ako naman po ay naniniwala na may sense of decency pa rin ang mga pulitiko na hindi nila sasamantalahin ang pagkakataong ito,” ani Artes sa pulong kasama ang mga alkalde ng 17 local government units (LGU) sa Metro Manila para sa huling bahagi ng paghahanda “Oplan Undas 2024.”
Hinikayat din ng MMDA chairman ang mga lokal na pamahalaan ang pagtalima sa mga inilatag na panuntunan para sa kaayusan at kapayapaan sa mga himlayan.
Kabilang sa priority areas ang limang public cemeteries na kinabibilangan ng Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery in Quezon City, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery na tututukan ng mga awtoridad at MMDA.
Gayunman, papayagan naman ang paglalagay ng tent ng mga politikong magbabahagi ng pagkain at inumin.
Samantala, puispusan na rin ang paghahanda ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa inaasahang higit sa 2.4 milyong pasahero na dadagsa sa terminal simula ngayong araw hanggang Nobyembre 5, kaugnay sa paggunita sa All Saints Day at All Souls Day.
Pinakamaraming pasahero ang inaasahan sa mga petsang Oktubre 30 at 31 sa aabot sa humigit-kumulang sa 159,000 hanggang 175,000 o katumbas ng pagtaas ng mga biyahero sa 20%.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PITX sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Philippine National Police (PNP) para sa tiyak na maayos at ligtas na byahe.
Kabilang sa mga hakbang ang pag-isyu ng LTFRB ng mga special permit para sa mga bus, inspeksyon ng LTO sa mga PUVs para sa kaligtasan ng mga ito, at pagdedeploy ng MMDA ng mga ambulansya at enforcer para sa trapiko.
Pinayuhan naman ang mga pasahero na magtungo ng maaga sa iskedyul na byahe upang hindi maabala.