NI ESTONG REYES
PARA kay Senador JV Ejercito, hindi sapat ang pagsisiwalat ng mga kontratista sa likod ng mga palpak na flood control projects.
Sa isang kalatas, nanawagan si Ejercito sa administrasyon na kasuhan at ipakulong ang lahat ng sangkot sa bulilyasong proyekto ng gobyerno.
Bukod sa mga kontratista, dapat rin aniyang panagutin ang mga politiko at opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakinabang sa aniya’y nalinaw na sabwatan.
Aniya, may “special place” sa impyerno ang mga nagkuntsabahan sa pangungurakot ng pondo ng bayan.
“Kailangan talagang may managot, kailangang may makulong, kasi otherwise walang magtatanda eh. I think ito ang problema ng ating bansa—walang natatakot kasi wala namang big fish na nahuhuli,” wika sa senador.
“Kung meron man, small fries. Pero subukan niyong magpakulong ng talagang mga matataas na opisyal diyan para magtanda,” dagdag niya.
Base sa report kamakailan, inamin ni Escudero na kaibigan at campaign donor niya ang isa sa 15 kontratistang nakakuha ng flood control projects.
“Pero si Secretary Bonoan, sa tingin ko, with his advanced age I think he wants a legacy. Pero ‘yung mga nasa baba niya, lahat ‘yan marami tayong naririnig…even the Usecs, Asecs, and director levels,” aniya.
Nitong Lunes, ibinulgar ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng kabuuang P545 billion budget sa flood control projects ang nakorner ng 15 contractors.
Lima dito ang nakakuha ng proyekto sa halos lahat ng rehiyon sa buong bansa. Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, nangako si Marcos na papanagutin ang mga sangkot sa anomalya sa flood control projects sa buong bansa.
Naunang pinabulaanan ni Escudero na sangkot siya sa anumang flood control projects sa Sorsogon at iba pang bahagi ng bansa.
Aniya, pangunahing campaign contributor niya si Lawrence Lubiano, president ng Centerways Construction and Development Inc., sa 2022 elections.
Narito ang mga kontratistang binanggit ni Marcos na nakakopo ng multi-bilyong kontrata sa flood control:
- Legacy Construction Corporation
- Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp.
- St. Timothy Construction Corporation
- QM Builders
- EGB Construction Corporation
- Topnotch Catalyst Builders Inc.
- Centerways Construction and Development Inc.
- Sunwest, Inc.
- Hi-Tone Construction & Development Corp.
- Triple 8 Construction & Supply, Inc.
- Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp.
- Wawao Builders
- MG Samidan Construction
- L.R. Tiqui Builders, Inc.
- Road Edge Trading & Development Services
