Ni Estong Reyes
MATINDING kinondena ni Senador Grace Poe ang malawakang korapsiyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapaantala sa Implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na dapat itigil muna ng Department of Transportation (DOTr) ang Implementasyon ng PUVMP hangga’t hindi nasusugpo ang korapsiyon sa LTFRB.
“Sa gitna ng sinasabing korapsiyon sa LTFRB, nananawagan tayo sa Department of Transportation na pansamantalang isuspendi ang Implementasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) hangg’t hindi nareresolbahan ang isyu,” ayon kay Poe sa pahayag.
Sinabi ni Poe na kailangan natin na magkaroon ng modernisasyon ng ating PUVs na dapat progresibo, makatuwiran at makatao.
“Hindi na nga makausad nang maayos ang PUVMP dahil sa iba’t ibang isyu, nabahiran pa ng korapsyon,” giit ng senadora.
Aniya na kung may katotohanan ang alegasyon, hindi ito makatarungan sa ating mga drayber na nawalan ng kabuhayan dahil pinaboran pala ang naglalagay.
“Dapat papanagutan ang tiwaling opisyal na nagsasabotte sa kritikal na programa ng ating transport sektor,” giit ni Poe.
“Umaasa tayo na habang iniimbestigahan ang mga sangkot, inaayos din ang modernization program na magpapabuti sa kabuhayan ng mga drayber at magbibigay ng maayos na serbisyo sa mga commuter,” ayon kay Poe.