
BALIK sa P9.00 ang minimum fare sa mga mga pampasadang public transportation simula sa susunod na buwan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa kalatas ng LTFRB, P9.00 ang pamasahe sa mga traditional jeep, habang P11 naman ang minimum fare sa mga modernized jeep. Diskwento mula P3 hanggang P4 naman ang ipapatupad ng ahensya sa mga bus.
Gayunpaman, walang pahayag ang LTFRB kaugnay ng diskwento sa UV Express.
Paglilinaw ng naturang tanggapan, anim na buwan lang ang bisa ng diskwento – o sa sandaling maubos na ang P2-bilyong pondo sa ilalim ng service contracting program.
Sa unang bugso ng implementasyon, limitado lang muna sa National Capital Region (NCR) ang pagpapatupad ng diskwento.
“If you are a senior citizen or if you are a student, mayroon din additional discount ‘yun. In effect, dalawang discounts sa mga special group.,” ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.