
SA gitna ng napipintong pagbubukas ng mga karagdagang defense sites, isang babala ang paabot ng China sa Pilipinas – gulong dulot ng di umano’y pakikialam ng Estados Unidos.
Patutsada ng Chinese Embassy sa Maynila, paandar lang ang pangakong pagsipa ng ekonomiya ng Pilipinas batay sa pahayag ni US Undersecretary of State for Political Affairs Victoria Nuland.
Partikular na tinutulan ng China ang pagbubukas ng mga karagdagang defense site sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Her (Nuland) statement only shows total ignorance. Economy and trade cannot flourish without a peaceful and stable regional environment,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng China Embassy.
Hindi rin anila dapat paniwalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mapanirang pahayag ng Estados Unidos hinggil na nagsabing dehado ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa China sa larangan ng ekonomiya.
Dagdag pa ng Chinese Embassy, magdudulot lang ng ligalig sa rehiyon ang pagpasok ng mga sundalong kano.
“Such cooperation will seriously endanger regional peace and stability and drag the Philippines into the abyss of geopolitical strife and damage its economic development at the end of the day.”
Tugon naman ng US Embassy na nakabase sa Pilipinas, naaayon sa Mutual Defense Treaty ang presensya nila sa kaalyadong bansang lubhang agrabyado.
“The United States and the Philippines stand together as friends, partners, and allies. Now and always, the US commitment to the defense of the Philippines is ironclad, and we are committed to strengthening our economic and investment relationship.”