
BUKOD sa kasong murder na isinampa a husgado, nakatakdang maghain ng Department of Justice (DOJ) ng dalawang bagong kaso laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag kaugnay ng pananaksak sa dalawang preso mula sa New Bilibid Prisons (NBP) noong nakaraang taon.
Bukod kay Bantag, dawit din ani Justice Secretary Crispin Remulla si former Bucor deputy security officer Ricardo Zulueta sa kaso, batay sa reklamo ng mga bilanggong kinilala sa pangalang Ronald Usman at Jonathan Escopete.
Batay sa salaysay nina Usman at Escopete, pinatawag di umano sila ni Bantag noong Pebrero 1, 2022 sa kanyang tanggapan.
Sa gitna ng pag-uusap, nilapitan di umano ni Bantag si Escopete at walang sabi-sabing sinaksak sa kanyang hita. Gamit ang punyal na itinusok kay Escopete, kanang kamay naman ni Usman ang pinuntirya ng noo’y BuCor chief.
“The DOJ state prosecutors found probable cause to indict Bantag for two counts of physical torture and mental/psychological torture,” saad sa resolusyon ng DOJ.
Kapwa nagtatago sina Bantag at Zulueta na nahaharap sa kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percy Mabasa Lapid at Jun Villamor na inatasan di umanong humanap ng papatay sa batikang komentarista.