SWAK sa kulungan ang 30-anyos na liaison officer matapos itaya at matalo sa online gambling ang P45,000 na ipina-withdraw sa kaniya ng pinapasukang kumpanya sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Masambong Police Station (PS 2) chief Lt. Col. Resty Damaso ang suspek na si Erwin Albaniel Dizon at residente ng lungsod ng Valenzuela.
Batay sa ulat, ang suspek ay liaison officer ng isang kumpanyang pag-aari ni Wendel Jimenez Sanguyo, sa Pacific Corporate Center, West Avenue, Brgy. Bungad, Quezon City.
Ayon kay Marjorie Ann Tabije Talahibam, accounting staff ng kumpanya, bandang 1:30 ng hapon (August 3) ay inutusan niya ang suspek na mag-withdraw ng pera sa BDO West Avenue Branch, sa nasabing lungsod.
Pero sa halip na dalhin ang P45,000 na peras ng pinapasukang kumpanya, isinugal at ipinatalo sa online gaming.
Dahil dito humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya ang accounting staff na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Narekober mula sa suspek ang limang bet list na resibo mula sa 7-Eleven Convenience Store na may kabuuang halagang P45,000.
Kakasuhan ang suspek ng Qualified Theft sa Quezon City Prosecutor’s Office.