NAKATAKDANG bususiin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagligwak ng mga personnel record ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa kagawaran, sisikapin ng ahensya –sa tulong ng National Computer Emergency Response Team (NCERT) ng DICT Cybersecurity Bureau, tuntunin, tukuyin at panagutin ang grupo o indibidwal sa likod ng naturang ilegal na aktibidad — ang napaulat na umano’y personal data leak sa mga record ng Philippine National Police (PNP).
Anila, sinimulan ng NCERT ang imbestigasyon sa umano’y paglabag matapos makatanggap ng mga link sa isang Azure blob storage na naglalaman ng mga sample na larawan ng mga ID, kabilang ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) clearances, mula sa isang security researcher noong Pebrero 22, 2023.
Gayunpaman, hindi ibinunyag sa NCERT ang pinagmulan ng data at kung anong asset ng impormasyon ang nakompromiso.
Dagdag pa na ang impormasyong ipinadala ng security researcher ay kapareho ng iniulat ni G. Jeremiah Fowler at mula noon ay nakredito na sa kamakailang balita.
Bukod sa PNP, kabilang rin sa nakitaan ang data breach ang record ng National Bureau of Investigation (NBI) mula Marso 3 hanggang 23 ng kasalukuyang taon.
Para sa DICT, hindi biro ang data breach sa mga sensitibong tanggapan ng pamahalaan.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng kagawaran ang lahat ng ahensya ng gobyerno na paigtingin ang seguridad ng mga datos na nakaimbak sa government websites.