LIGTAS na nailikas ng mga kawani ng Philippine Coast Guard ang nasa 85 pasahero – kabilang ang limang sanggol – matapos sumasad ang sinasakyang Ro-Ro vessel sa karagatang sakop ng Maigo Point sa lalawigan ng Lanao del Norte.
Sa kalatas ng Philippine Coast Guard, agad na dinispatsa ang Search and Rescue team matapos makatanggap ng isang tawag sa radyo hinggil sa ‘pagtirik’ ng barkong MV Filipina Cebu sa Maigo Point Huwebes ng gabi.
Pagdating sa nasabing bahagi ng karagatan, mabilis na inilipat sa tugboat Foscon Diamond ang mga pasahero ng barkong Ro-Ro na pag-aari ng kumpanyang Cokaliong Shipping Lines.
Matapos ang paglilikas ng mga pasahero, agad naman ikinasa ng Marine Environmental Unit ang oil spill assessment sa haranging tiyakin di mag-iiwan ng pinsala ang nasabing insidente.