![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/02/pasaporte.webp)
SA kabila ng agresibong kampanya laban sa mga tinatawag na overstaying foreign nationals, mas marami pa rin ang nakakalusot, pag-amin ng Bureau of Immigration.
Pag-amin ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, nahihirapan ang kawanihan sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga dayuhang may hawak na pasaporteng gamit sa pagbiyahe papasok at palabas ng mga paliparan.
Katunayan aniya, karamihan sa mga overstaying na dayuhang nahuli ng kawanihan ay may naipapakitang Philippine passport.
Aniya pa, Enero 23 nang masabat ng mga airport personnel ang Chinese national na si Zhang Hailin, na may hawak na pasaporte kung saan tampok ang kanyang larawan pero iba ang pangalan – Alex Garcia Tiu.
Nang suriin ang pasaporte, lumalabas na tunay at inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA). Bukod sa ‘genuine passport’ nagpahayag ng pagkadismaya sa Tansingco matapos magprisinta ng “authentic birth certificate’ ang Tsinong lilipad sana patungo ng Hanoi sa bansang Vietnam.
Nang isalang sa interogasyon, napilitan umamin ang Tsino na overstaying na siya mula pa 2020.
Bistado rin ang isang babaeng Vietnamese na si Huynh Thanh Tuyen na dinakip habang hawak ang Philippine passport na may pangalang Maria Dantic Menor.
Sa pagtatanong, inamin ni Huynh na nakuha niya ang pasaporte sa tulong ng isa niyang Vietnamese na kaibigan.
Bukod kina Zhang at Huynh, may dalawang iba pang banyagang inaresto matapos makuhanan ng Philippine passport na karaniwang gamit para makaiwas sa mga Immigration authorities.