LUBOS na ikinalugod ng kongresistang pinakulong ng nakalipas na administrasyon ang pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa hiling na interim release ng kampo ni former President Rodrigo Duterte.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima ang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber.
Pag-amin ni de Lima, inaasahan na ang pagbasura ng ICC sa hirit ng dating pangulo, lalo pa’t higit na kilala ang pandaigdigang husgado sa patas na paglilitis sa mga kasong binalewala ng estado.
“Duterte’s plea for interim release is not a surprise. The plea lacks support both in fact and in the Rome Statute. The ICC does not easily issue warrants of arrest without any inkling of the weight of the evidence,” wika ng partylist congresswoman.
“In the case of Duterte, the evidence is strong enough for the ICC to require his detention during trial. This denial is an indication of the strength of the evidence against Duterte,” dugtong ng mambabatas.
Bagamat kumbinsido si de Lima sa integridad ng ICC, hindi naman aniya dapat ipagwalang bahala ang impluwensya ng dating pangulong nahaharap sa sandamakmak sna kasong pagpatay sa likod ng madugong giyera kontra droga sa panahon ng panunungkulan sa Palasyo.
Dapat rin umanong tiyakin ang kaligtasan ng mga testigo at naulilang pamilya ng mga biktima ng karahasan.
“Patuloy nating palakasin ang ating laban para mapanagot ang pasimuno at ang lahat ng kasabwat sa krimen laban sa sangkatauhan—ang walang habas na pagpatay sa libo-libong Pilipino, kasama na ang mga inosenteng bata,” pahabol ni de Lima. (ROMER R. BUTUYAN)
