KUNG nais ng gobyerno bawasan ang araw-araw na pagdurusa ng taumbayan mula sa mataas na presyo ng mga bilihin, dapat tanggalin ang ipinapataw na buwis sa lahat ng bilihin sa merkado, gayundin ang excise tax na nakapatong sa mga produktong petrolyo.
Para kay House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, sukdulang pasakit sa mga mamamayan ang 12 percent value-added tax anuman ang bilhin sa merkado.
Hindi rin aniya makatarungan ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo.
Sa halip na pigain ang naghihikahos na mamamayan, mas mainam aniyang pagtuunan ng pamahalaan ang paglaban sa katiwalian at agad na ipakulong ang napatunayang nagkasala.
Ginawa ni Elago ang pahayag bilang reaksyon na rin sa panawagan ni Senator Erwin Tulfo na huwag pagbayarin ng katumbas na isang buwang buwis ang mga individual taxpayer.
Ani Sen. Tulfo, ito’y sa gitna na rin nang matinding galit ng taumbayan sa pagkakabunyag ng bilyong-bilyong flood control projects anomalies at ang hindi pagbabayad ng buwis ay maituturing na kapalit o pagsasauli sa taumbayan ng sinasabing kinulimbat na pera ng mga sangkot sa nasabing katiwalian.
“While Senator Erwin Tulfo’s call for tax holiday is welcome, the proposal fails to address the systemic corruption and economic policies that continue to burden Filipino workers and poor families,” tugon ng Gabriela Women’s Party solon.
“Ang isang buwang tax holiday ay bitin — kulang pa ‘yan. Para mabawasan man lang ang pinapasan ng masa, dapat ibasura ang 12% VAT sa mga pangunahing bilihin at alisin ang excise tax sa langis. Araw-araw itong nagpapahirap sa mga mamamayan, hindi lang sa loob ng isang buwan,” dagdag ng mambabatas.
Giit ni Elago, ang “tax holiday” na isinusulong ni Tulfo ay pansamantalang remedyo lamang dahil ang mga ordinaryong konsyumer ay hindi makaagapay sa mahal na bilihin dahil sa mga ipinapataw na buwis at maling paggamit sa pondo ng gobyerno.
“Hindi matatabunan ng isang buwang tax holiday ang galit ng taumbayan sa korapsyon. Ang tunay na solusyon ay ang pagpapakulong at pagpaparusa sa mga korap na naglustay ng pondo ng bayan — lalo na sa mga proyektong dapat sana ay pumipigil sa baha, hindi lumulubog sa anomalya,” bulalas ng kongresista.
“The people deserve real relief and accountability. Hindi tax holiday ang kailangan ng mamamayan kundi hustisya laban sa mga korap.” (ROMER R. BUTUYAN)
