
SA gitna ng patuloy na pagtaas sa insidente ng krimen sa bansa, nais ni reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na muling ihain ang panukalang batas na naglalayong ibalik ang pinakamabigat na parusang kamatayan sa bansa.
Ayon kay Dela Rosa, na minsan nang nagsilbi bilang Philippine National Police (PNP) chief, dapat maharap sa death penalty ang mga sangkot sa high-level drug trafficking, na siyang ugat ng iba pang karumal-dumal na krimen.
“Kung sakaling papalarin, ipa-file ko pa rin ulit ang walang kamatayang death penalty for high-level drug traffickers. Hindi kasama dito yung mga small-time na mga pusher diyan sa kalsada, drug pusher, ito yung mga big-time, yung mga malakihan,” pahayag ni Dela Rosa.
“Hindi makalusot-lusot dahil nga medyo kontrobersyal. But still, I truly believe, I’m really convinced na kung ito ay makapasa, ito ang magiging solusyon sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa ngayon,” dagdag niya.
Binanggit ni Dela Rosa ang pinakahuling insidente ng kidnapping kung saan ang biktimang 14-anyos na Chinese student mula sa Taguig City ay pinutulan pa ng daliri ng hindi natukoy na abductor.
Kinondena rin ng Mindanaoan lawmaker ang kaso sa Cebu, kung saan pinatay umano ng suspek na nasa impluwensiya ng droga ang asawa at dalawang anak habang mayroon din naitalang kaso na isang three-year old at 80-year old na mga biktima ng panghahalay.
“Alam niyo yung kahindik-hindik na krimen, mga heinous crimes na yan, magagawa nila yan kapag sila’y wala sa tamang pag-iisip at sila ay under the influence of drugs,” ani Dela Rosa.
“Sa kampanyang ito, hindi mo matatalo ang ilegal na droga through petiks-petiks approach or padisente-disente approach or yung you treat this problem with kid gloves. Kailangan talaga kamay na bakal ang gamit mo dito. Hindi puwedeng hindi mo gamitan ng kamay na bakal, otherwise, tatawanan ka lang nitong mga sindikato na ito. Kailangan seryosohin natin ito,” giit ng senador.
Ibinahagi ni Dela Rosa ang naging pag-uusap nila ng isang convicted Chinese drug lord noong siya ay director-general of the Bureau of Corrections kung saan sinabi umano sa kanya ng dayuhan na hindi sila natatakot magpasok ng ilegal na droga sa Pilipinas dahil walang death penalty sa bansa.
“Kung doon daw sila mag-traffic ng drugs, siguradong bitay sila doon dahil merong death penalty doon at dito sa Pilipinas, wala tayong death penalty. So kahit na sila ay mahuli, makulong, ma-convict ay tuloy pa rin daw yung kanilang pagpapatakbo ng kanilang illegal drug-trade sa labas ng bilibid,” paglalahad ni Dela Rosa.
“Hindi na sila takot na mahuli dahil nakakulong naman sila. Hindi sila takot na magkakaso dahil convicted na naman sila at safe pa sila sa loob ng bilibid. So, tuloy-tuloy lang ‘yung kanilang negosyo,” dugtong ng senador.
Mula nang mahalal bilang senador taong 2019, agresibong isinusulong ni Dela Rosa ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa mga responsable sa pagpasok at paggawa ng droga at iba pang illegal substances sa bansa.
Sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, nakilala si Si Dela Rosa sa pagpapasuko ng hindi bababa sa 1.6 milyong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.