WALANG plano ang senate majority palampasin ang isang dating kongresista na umano’y nasa likod ng ‘pekeng blue ribbon committee hearing.’
Partikular na tinukoy ni acting Senate President Sherwin Gatchalian at Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo ang anunsyo ni dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor hinggil sa anila’y hindi awtorisadong pagdinig sa kontrobersyal na ‘maleta’ kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Para kay Gatchalian, malinaw na panloloko sa publiko ang sinasabing imbestigasyon ng nabanggit na komite na nakapaloob sa anunsyo ni Defensor.
“Definitely niloloko niya yung tao. Definitely gumagawa siya ng confusion dahil doon sa post niya, blue ribbon hearing, hindi naman siya chairman. Hindi naman siya member, hindi naman siya senador. Bakit niya nililinlang ang tao?” wika ni Gatchalian sa isang panayam.
“Kausap po si Senator Erwin [Tulfo] at pinag-aaralan din namin yung legal action dahil niloloko niya ang taong bayan. Hindi tama yan. Dahil pag niloloko niya, ginagamit niya ang titulo ng Senado, hindi tama yan dahil panloloko ang ginagawa niya,” dugtong ni Gatchalian.
Sa panig ni Tulfo, malinaw aniyang “usurpation of authority” ang isinagawang pagdinig ng ‘pekeng blue ribbon committee.’
“Pag-aaralan…yan kasing ginagawa nila kasi hindi naman pwedeng anytime hahanap sila ng lugar, magpapanggap na Blue Ribbon eh hindi naman Blue Ribbon. Iyan po malinaw na usurpation of authority ‘yan dahil hindi naman sila ang Blue Ribbon committee,” pahabol ni Tulfo.
