KASABAY ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at mga hanay ng komunista para sa pagbabalik ng usapang kapayapaan, hayagang ibinunyag ng isang armadong grupo ang mga personalidad sa likod ng di umano’y destabilization plot laban sa gobyerno.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng grupong Partisano – armadong sangay ng Marxista-Leninista ng Pilipinas (PMLP) – si dating Pangulong Rodrigo Duterte na di umano’y utak ng kudeta na isinusulong ng isang dating Bureau of Corrections (BuCor) official sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Pagsisiwalat ng Partisano, patuloy ang isinasagawang pakikipag-usap ng dating BuCor official na anila’y kabilang sa mga personalidad na dinakip kaugnay ng Oakwood Mutiny sa lungsod ng Makati 20 taon na ang nakalipas.
Panawagan ng grupong Partisano sa uring manggagawa at mga nagmamahal sa bansang Pilipinas, manindigan laban sa nakaambang pagbabalik ng awtoritaryanismo.
“Ang Partisano ay nananawagan sa mga manggagawa at mamamayang nagmamahal sa bansa na huwag pahintulutan ang planong destabilisasyon ni Digong at mga kasabwat nito,” mapangahas na pahayag ng nasabing grupo.
Pag-amin ng isang nagpakilalang Leni Katindig ng Partisano-National Operational Command, lubhang nakababahala ang planong destabilisasyon na pinopondohan diumano ng bansang China, oligarko, kaalyadong politiko at mga sindikato sa likod ng kalakalan ng droga.
Kabilang sa motibong nakikita ng grupong Partisano ang anila’y pagnanais ni Duterte mabawi ang Palasyo, kasabay ng pag-iwas sa napipintong pagpasok ng International Criminal Court (ICC) kung saan isinampa ang kabi-kabilang kaso kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa anim na taon niyang termino bilang Pangulo.
“Ito ay malinaw na maneobrang politikal na matagal na niyang taktika – ang gumamit ng dahas para manaig sa tunggaliang pampulitika,” saad ni Katindig.
Samantala, kinondena ng Samahan Kaagapay ng Agilang Pilipino (Partido Agila), isang regional political party na nakabase sa National Capital Region, ang planong destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hirit naturang partido sa Pangulo, isantabi munan ang pagtatalaga ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) at atasan si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa gitna ng banta ng kudeta.
Ani Jholo Granados na tumatayong chairperson ng Partido Agila, walang mabuting maidudulot sa bansa ang destabilisasyon, kasabay ng panawagan ng pagkakaisa.
“May kapangyarihan naman ang Pangulo na palawigin ang termino ng PNP Director-General. Sana panatilihin muna ng Pangulo si Gen. Acorda bilang hepe ng pambansang pulisya, lalo pa’t walang bahid ang record niya sa haba ng panahon niya sa serbisyo.”