
Sa mga nakalipas na araw, usap-usapan sa hanay ng mga militar at pulis ang maneobra ng ilang prominenteng personalidad na pinaniniwalaang may-akda ng nakaambang gulo sa hangaring pabagsakin ang gobyerno.
Ang totoo, hindi na bago sa mga Pilipino ang iba’t-ibang pakulo ng mga politiko sa hangaring manatili sa poder, kung hindi man mang-agaw ng pwesto. May pumupusturang oposisyon, may nakikipag kuntsaba sa mga dayuhang mapagsamantala, may kunwari nagpoprotesta at meron din namang nagluluto ng kudeta.
Pero kakaiba ang mag-ama mula sa dakong timog ng bansa. Dangan naman kasi, nagpakawala ng tuta para gumapang at mangalap ng kasangga, sandata at pera. Pati ang pagpili ng hepe ng pambansang pulisya, pilit itinutulak ang alagang sagana lang sa dada!
Bakit nga naman hindi? Mas madaling maisasakatuparan ang pagpapatalsik sa Pangulo kung kontrolado ang pwersa ng pulisya.
Sa aspeto ng military component para sa planong kudeta, di na mahirap yan lalo pa’t meron din silang alagang tuta (na sumabit sa pagpupuslit ng droga) na inatasan magharana sa hanay ng mga sundalong binusog ng dating bida sa isang malawak na bakuran sa lungsod ng Maynila.
Ang siste, hindi naman ganun katanga ang mga Pilipino. Katunayan, bistado sa grupong Samahang Kaagapay ng Agilang Pilipino ang plano ng mag-ama na pabagsakin ang gobyerno.
Gayunpaman, diskaril agad ang planong destabilization plot ng mga damuho.
Ang pagsipa kay Gloria Macapagal-Arroyo bilang Deputy Speaker ng Kamara, ang pagpapalaya kay dating Senador Leila Delima, ang amnesty na iginawad sa mga kalaban ng estado (mga rebelde, komunista at maging yaong mga tinaguriang secessionist) at ang impeachment kontra kay Sara.
Isama mo pa ang posisyon ng Pangulo sa posibleng pagbabalik-loob ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) na umuusig sa ama ni Sara kaugnay ng madugong giyera kontra droga.
Tama ang Samahang Agila. Hindi destabilisasyon ang kailangan natin ngayon kundi ang pagtugon sa mga pamilyang patuloy na iniinda ang dagok ng pandemya at pinsala at dusang iniwan ng mga nakaraang kalamidad.
Mungkahi ng grupo, palawigin na lang muna ang termino ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda para hindi na makaporma ang tutang sagana lang sa seremonya!