
WALA pang natatanggap na report ng mga nasaktan na Filipino sa pagitan ng hidwaan sa Israel at Palestinian Islamist group Hamas.
“Ang situation, sabi ng ating embahada — they are in touch with the Filipinos — so far … wala pang balitang casualties. Mabuti naman,” sabi ni DFA Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega.
Mayroong 30,000 Filipino sa Israel ngunit karamihan sa mga ito ay wala sa katimugang bahagi malapit sa Gaza Strip.
“Karamihan ng mga Pilipino [ay] kasambahay o caregiver, [at] nasa Tel Aviv, Haifa. Mga 70 km [away from Gaza Strip] so hindi ‘yon mismo ang nilusob. Pero may tumatama na konting missile, so ‘yun din [mino-monitor],” sabi pa nito.
“May mga Pilipinong nag-aalala dahil sa nangyayari. However, lahat sila sumusunod naman sa patakaran ng Israeli government at Pilipinas na stay at home at malapit dapat sila sa bomb shelter. Kasi lahat ng gusali sa Israel mayroon noon eh,” dagdag pa ni de Vega.
Patuloy ding minomonitor ng DFA official ang kalagayan sa Philippine Embassy sa Israel ng mga Pinoy.
Hinihintay din ng DFA ang susunod na report ng embahada tungkol sa sitwasyon doon.
Wala pa rin umanong kumpirmasyon na natatanggap ang DFA sa report na ilang Filipino ang dinukot ng mga militante. “Wala pang nakarating ngayon [na report],” sabi ni de Vega.
“May 300 agricultural workers near the area pero accounted for naman daw,” ayon pa rito.
“Kung mayroon kayong kamag-anak na nawalan ng contact sa inyo, please contact us sa OFW Help… Puwede niyo rin tawagan ang DMW [Department of Migrant Workers]. So far, wala pa kaming info na may nadakip o namatay,” sabi pa ni de Vega.