
“PASSION ko lamang ito. Walang ibang nagtutulak sa akin na gawin ko ito.”
Ito ang pag-amin ng isang indibidwal sa post na kumalat sa X, dating twitter, kung saan ilang ahensiya ng gobyerno na ang kanilang na-hack.
Kabilang umano sa mga na-hack ng Diablox Phantom ang website ng Philippine National Police, Philippine Statistics Authority, at Department of Science and Technology.
“Ang gamit ko ay open source intelligence at manual ang pagkalkal ng directories,” dagdag pa ng hacker.
Sinabi ni Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary for Legal Affairs Renato Paraiso na alam nila ang tungkol sa Diablox Phantom at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang mabatid ang pagkakakilalan ng indibidwal o grupo sa likod ng hacking.
“This is to confirm that the DICT is aware of this personality,” sabi ni Paraiso.
Nauna na ring sinabi ng DICT na posibleng inside job ang hacking incident na nangyari sa PSA dahil ang apektadong community-based monitoring system ay maa-access lamang umano mula sa loob ng tanggapan.