
PARA kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, squatter lamang sa West Philippine Sea ang China, kasabay ng giit na ang bahagi ng karagatang inaangkin ng nasabing bansa ay pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Sa isang pulong-balitaan, inihambing pa ni Teodoro ang China na isang bansang may makitid na pang-unawa sa isinusulong na pag-angkin at pananakop sa West Philippine Sea.
“Pag-inoccupy ng Pilipinas ang Hainan Island ng China, ‘yun, illegal occupation ‘yun. Pero ‘pag dito sila within our 200-mile EEZ, sila ang squatter dito. Illegal occupants sila dito,” ani Teodoro.
Paliwanag ng Kalihim, pwede naman aniyang mag-apply ng visa sa pamahalaan ng Pilipinas ang mga Tsinong nasa loob ng teritoryong sakop ng bansa.
Wala rin aniyang dahilan ang Pilipinas para itigil ang pagpapatrolya ng Pilipinas sa nasasakupang karagatan – sa kabila pa ng walang puknat na pambabarako ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy at mga sasakyang dagat ng Philippine Coast Guard.
Kumbinsido rin ang Kalihim na hindi isolated incident ang pagharang ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa BRP Benguet (LS-507) ng Pilipinas noong Oktubre 13.
Una nang nagpatutsada ang China laban sa Pilipinas na di umano’y ilegal na sinakop ang Pag-asa Island sa lalawigan ng Palawan.