GANAP nang pinagtibay ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang panukalang P6.793 national budget para sa susunod na taon.
Kumpara sa P6.326 trilyon na budget para sa kasalukuyang taon, lumalabas na mas mataas ang proposed 2026 national budget ng 7.4 percent na isinusulong ng DBCC para tugunan ang mas malaking gastusin kalakip ng mga programa at proyekto ng gobyerno.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, kabilang sa naturang halaga ang patuloy na pamumuhunan sa Build Better More Infrastructure Program at digital transformation na nakahanay sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.
Para kay Pangandaman, layon ng administrasyon paigtingin ang inklusibong pag-unlad ng ekonomiya habang pinangangalagaan ang disiplina sa pananalapi.
Pasok sa 2026 proposed national budget ang mga pangunahing hakbang upang mapalakas ang kakayahan ng bansa laban sa epekto ng pagbabago ng klima at sakuna, pagtibayin ang mga sistemang panlipunang proteksyon, at palalimin ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga lokal na pamahalaan.
Nakatakdang isumite ang panukalang FY 2026 National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso sa Agosto.
