
PARA tuluyang masawata ang modus ng mga dorobo sa likod ng offshore gaming operations, kinalampag ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng inspeksyon sa mga establisyemento para matunton ang nalalabing illegal POGO.
Para kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, higit na angkop ang mahigpit na implementasyon at inspeksyon sa mga gusali at imprastraktura kung saan aniya posibleng nakakubli ang nalalabing illegal POGO operations.
Nagbabala rin si Remulla sa mga building inspectors at mga lokal na opisyal na kakanlong sa ilegal na aktibidad na nakasentro ang panloloko sa mga Pilipino.
Bago pa man nanawagan ang DILG chief, una nang binalaan ni Remulla ang mga pulis na di umano’y sumalakay kamakailan sa illegal POGO hub sa Barangay Tambo sa Parañaque City na tinukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) na pugad ng investment scam.