
KASABAY ng hudyat ng election period, magkatuwang na ikinasa ng Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) ang gun ban sa hangaring iwasan ang karahasan kaugnay ng nalalapit na halalan.
Sa isang pahayag, hinikayat ng Comelec ang publiko na makiisa sa umiiral na patakaran kabilang ang mahigpit na pagbabawal sa pagdadala ng baril maliban na lang sa ilang sektor kabilang ang mga ahensyang tagapagpatupad ng batas, mahistrado, huwes at mga propesyonal tulad ng mga cashier na humahawak ng malaking halaga ng pera.
Sa hanay ng mga licensed gun owners, kailangan muna mag apply ng Certificate of Authority mula sa Commission on Elections (Comelec) para magdala ng baril sa legal na paraan.
Pinangunahan naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia at PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang ceremonial launching ng Comelec checkpoints ngayong araw na ginanap sa Kartilya ng Katipunan, Padre Burgos, Manila.
Samantala, kinumpirma ni Marbil na apat na indibidwal ang agad na dinakip ng pulisya sa magkakahiwalay na COMELEC checkpoints sa unang sultada ng implementasyon ng gun ban. (Edwin Moreno)