
GANAP nang sumipa ang panahon ng kampanya pra sa nalalapit na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Paglilinaw ng Commission on Elections (Comelec), mayroon lamang 10 araw (Oktubre 19 hanggang 28) ang mga kandidato bilang kapitan, kagawad at mga lider kabataan para suyuin ang kanilang mga kabarangay.
Paalala ng Comelec, bawal na ang pangangampanya pagsapit ng Oktubre 29 hanggang sa matapos ang halalang nakatakdang idaos sa Oktubre 30.
Batay sa tala ng Comelec, mayroong kabuuang 1,414,487 aspirants ang maglalaban-laban para sa limitadong bilang ng pwesto.
Sa naturang bilang, 96,962 ang kandidato sa posisyon ng kapitan, 731,682 para sa Sangguniang Barangay; 92,774 sa Sangguniang Kabataan chairman at 493,069 naman para sa SK council.
Babala naman ni Comelec Chairman George Garcia, hindi mangingimi ang poll body na idiskwalipika ang mga kandidatong hindi tatalima sa mga panuntunang nakasaad sa Omnibus Election Code – partikular sa paggastos sa kampanya.
Dapat rin aniyang magsumite ang mga kandidato ng kani-kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) matapos ang eleksyon, kesehodang wagi o talo.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, pwede lamang gumastos ng hindi hihigit sa P5 ang bawat kandidato sa kada botanteng sinusuyo.
Nagpaalala rin ang poll chief hinggil sa pagtalima sa mga prohibisyon laban sa pamamahagi ng mga shirts, ballers, caps at iba pang bagay na may halaga.
Pinayuhan din niya ang mga tagasuporta ng mga kandidato na huwag magsuot ng t-shirt na may larawan ng kanilang kandidato upang makaiwas sa diskwalipikasyon sa halalan.
Mag-iikot rin aniya ang Comelec mula Oktubre 20-27 sa mga barangay para baklasin ang mga campaign materials na hindi tumatalima sa mga ipinatutupad na panuntunan ng poll body.