MATAPOS ang dalawang magkasunod na baryang rollback, oil price hike naman ang pabaon ng mga kumpanya ng langis sa pagtatapos ng buwan ng Marso.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, posibleng pumalo sa piso ang dagdag-presyo sa kada litro ng gasolina sa merkado – malayo sa 10 sentimos na rollback na ipinatupad noong nakaraang linggo.
Nasa 50 sentimos naman umano ang inaasahang umento sa presyo kada litro ng krudo, habang 30 sentimos naman ang ipapataw ng karagdagang singil sa bawat litro ng kerosene.
Isinisi naman ng DOE officials ang oil price hike sa patuloy na tensyon sa Middle East kung saan naglunsad ng opensiba ang Estados Unidos sa mga Houthis.
Sa datos ng DOE, pumalo na sa P2.15 kada litro ang nadagdag sa presyo ng gasolina mula Enero ng kasalukuyang taon. Nasa P2.85 naman ang itinaas sa krudo, habang 70 sentimos lang ang umento sa kerosene.
