SINANG-AYUNAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong hirit ng Sugar Regulatory Administration (SRA) para sa pag-angkat ng asukal mula sa ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Marcos na ang sugar importation at limitado lang hanggang sa 150,000 metriko tonelada – sapat para matiyak na hindi kakapusin ang supply sa merkado.
“We agreed to additional importation of sugar to stabilize the prices. Maximum amount will be 150,000 MT but probably less,” ani Marcos ilang saglit matapos ang pulong kasama ang mga opisyales ng SRA – kabilang sina SRA Acting Administrator Pablo Luis Azcona at Board Member Ma. Mitzi Mangwang na kumakatawan sa mga millers.
Pasok din sa talaan ng mga dumalo sa pagpupulong sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at SRA Board Secretary Rodney Rubrica.
“The exact amount will be determined once we have determined the exact amount of supply, which will come at the end of this month,” ani Marcos, kasabay ng pahayag na bubuksan ang sugar importation sa lahat ng mangangalakal.
Sa pagtaya ng SRA, inaasahan ang negative ending stock ang bansa ng 552,835 metrikong tonelada pagsapit ng Agosto 2023.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), hindi sapat ang 2.4 milyong metriko toneladang local production batay sa ani ng mga lokal na magsasaka.