SA kabila ng panalo ng Pilipinas sa extradition case para sa kustodiya ng politikong pugante na nasa bansang Timor-Leste, wala pa rin katiyakan kung kailan mabitbit pabalik ng bansa si former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ang dahilan – posible pang umapela ang sinibak na kongresista alinsunod sa umiiral na proseso ng gobyerno ng Timor Leste.
“It’s hard to give a timeline right now given the periods are still open for the appeal. Kaya siguro, as we are just a participant and a party in the case, we will just have to comply with the periods given to us and to the other party,” pahayag ni Assistant Secretary Mico Clavano IV na tumatayong tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ).
Nahaharap si Teves sa patong-patong na kaso, kabilang ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang mga biktima noong buwan ng Marso taong 2023.
Gayunpaman, kumpyansa si Clavano na papabor pa rin sa Pilipinas ang Timor Leste sakaling umapela ang kampo ni Teves.
“Ang desisyon ng Timor-Leste Court of Appeals ay null and void yung unang trial ni Ginoong Teves. Kaya ito po ay parang unang pagkakataon ulit so yung lahat ng proseso, right of appeal ay nandito ulit ngayon,” aniya.
“We are coordinating with our counterparts in Timor-Leste to make sure that we are following the right process kasi ang gusto nating mangyari ay wala na silang masabi sa proseso na ito at sinunod natin ang lahat ng hakbang para mauwi si Ginoong Teves,” aniya pa.
