SA halip na mabawasan ang unemployed bunsod ng pagsipa ng negosyo sa panahon ng Kapaskuhan, mas dumami pa ang walang trabaho, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang pahayag ng PSA, sinasabing umabot na sa 1.97 milyon ang wala at nawalan ng trabaho noong Oktubre 2024 — mas mataas kumpara sa 1.89 milyong tambay na naitala noong nakalipas na buwan ng Setyembre.
Sa pagtataya ng ahensya, umakyat sa 3.9 percent ang unemployment rate sa bansa.
Ayon sa datos ng PSA, 48.16 milyon ang naitalang may trabaho noong Oktubre na mas mababa kumpara sa 49.87 milyong may trabaho noong Setyembre.
Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, kinalap ng ahensiya ang mga datos mula sa 44,388 na sambahayan (household) o 125,493 katao na edad 15 pataas.
Aniya, nasa 50.12 milyon ang dami ng mga taong 15-anyos pataas, at 63.3% ang may trabaho o naghahanap ng trabaho, habang 6.08 milyong employed ang piniling maghahanap ng iba pang raket pandagdag sa budget.
Pinakamataas ang unemployment rate sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
