KUMPYANSA ang Department of Justice (DOJ) na kayang ipanalo ng Office of the Solicitor General (OSG) ang petisyon inihain ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa laban sa pag-aresto at pagsuko kay former President Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng paggalang ang DOJ sa desisyon ng Korte Suprema na payagan ang Office of the Solicitor General (OSG) na hawakan ang kaso.
Ayon kay Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, kumpiyansa ang kagawaran sa kakayahan ng OSG ipatupad ang batas at protektahan ang interes ng bansa, ayon sa hinihingi ng katarungan.
Dagdag pa ni Martinez, mas magagampanan na ng DOJ ang kanilang pangunahing tungkulin sa pamamahala ng criminal justice system.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni noo’y Justice Secretary Boying Remulla na ang DOJ na ang sumalo bilang abogado ng gobyerno matapos maghain ng Manifestation of Recusal si dating Solicitor General Menardo Guevarra, na tumangging kumatawan sa gobyerno laban sa nasabing petisyon dahil wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos kumalas sa Rome Statute noong 2019. (JULIET PACOT)
