HAYAGANG inalmahan ng kampo ni former President Rodrigo Duterte ang desisyon ng Supreme Court En Banc na nagbigay pahintulot sa Office of the Solicitor General (OSG) na muling tumayong abogado sa petisyong kumuwestiyon sa pag-aresto sa dating pangulo.
Sa isang panayam, nagpahayag ng agam-agam si Atty. Israelito Torreon sa posibleng epekto sa kredibilidad ng OSG na una nang tumanggi sumawsaw sa legal na usapin dahil na rin sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2017.
Bilang tugon, ibinahagi ni Torreon ang napipintong pagsusumite pleading para ilahad ang obserbasyon ng kampo ng dating pangulo.
Gayunpaman, aminado ang abogado na hindi magiging madali ang kinakaharap sa sagupaan sa korte dahil pawang mahusay umano ang mga abogado ng OSG.
Pero apektado umano ang kredibilidad nito dahil binaligtad ng OSG ang dating posisyon tungkol sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Kumbinsido rin si Torreon na nadiktahan ng kasalukuyang administrasyon ang bagong OSG para baguhin ang posisyon hinggil sa usapin ng petisyon laban sa pag-aresto kay Duterte.
Una nang naghain ng Manifestation of Recusal si dating Solicitor General Menardo Guevarra, na tumangging kumatawan sa gobyerno laban sa nasabing petisyon dahil wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas. (JULIET PACOT)
